Aquino administration sablay, maraming pagkakamali ayon sa tiyahin ng pangulo
Kung siya ang tatanungin, naniniwala si dating Tarlac Governor Ting Ting Cojuangco na isang dissappointment ang Presidency ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Cojuangco, sinabi nito na maraming mali na dapat na itinama at mga bagay na dapat na ginawa ang administrasyon ng kanyang pamangkin.
Inihalimbawa ni Cojuangco ang hindi pagbibigay hustisya sa mga nasawing miyembro ng Special Action Force o SAF 44, ang pagpayag sa paggamit sa kahinahinalang Precinct Count Optical Scan o PCOS machines at pagsusulong ng Bangsamoro Basic Law na labag sa saligang batas.
Binatikos din ni Conjuangco ang Priority Development Assistance Fund o PDAF at ang reallignment ng pondo sa pamamagitan ng Disbursement Accelaration Program o DAP sa ilalim ng Aquino Administration.
Ayon sa dating gobernadora, nakakadismaya na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakasuhan ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front o MILF dahil sa pagpaslang at pagnanakaw sa kanyang mga dating estudyante na mga miyembro ng SAF 44.
Hindi rin aniya tama na ipagpilitan ng adminitrasyon ang paggamit ng Commission on Elections ng PCOS machines na natuklasan na pwedeng mamanipula ang resulta.
Nanindigan din si Cojuangco na paglapastangan sa legacy ni dating Pangulong Corazon Aquino ang pagpupumilit ng anak nito na palitan ang Autonomous Region for Muslim Mindanao o ARMM.
Aniya ang isinusulong ni pangulo na Bangsamoro Government ay kaiba sa batas na lumikha sa ARMM at malinaw na labag sa nilalaman ng konstitusyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.