Mga pulis na nakapatay kay Kian delos Santos kinasuhan na sa DOJ
Sa huling minuto ng tanggapan ng DOJ ay nagsampa na ng patong patong na reklamo ang National Bureau of Investigation laban sa mga pulis na sangkot sa pagkakapaslang kay Kian delos Santos sa isang police operation sa Caloocan noong August 16.
Nagsampa ang NBI ng mga kasong murder, violation of domicile sa ilalim ng Revised Penal Code at planting of evidence sa ilalim ng Dangerous Act of 2002 laban kina Chief Inspector Amor Cerillo, PO3 Arnel Oares, PO1 Jerwin Cruz at PO1 Jeremias Pereda.
Ang nasabing mga pulis ang itinuturong pumatay sa labing pitong taong gulang na si Kian.
Naging basehan ng kasong murder ang mga natagpuang tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan at ulo ni Kian mula sa kanyang autopsy report.
Iginiit ng NBI ang konklusyon na pataksil ang naging pagpatay kay Kian dahil ito ay nakaluhod o di nama’y nakadapa nang barilin.
Nagreklamo rin ng planting of drugs ang NBI dahil sa una pa lamang ay dapat nalaman na umano ng mga pulis na may shabung dala ang binata nang maaresto ito.
Dagdag pa nila, malabong makapagtago si Kian ng shabu sa suot nitong boxer shorts.
Para naman sa reklamong violation of domicile, napagalamang hinalughog rin ng mga pulis ang bahay nila Kian ng walang search warrant.
Nauna ng magsampa ng reklamong murder at paglabag sa anti-torture law ang mga magulang ni Kian sa DOJ laban sa mga pulis-Caloocan noong nakaraang linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.