Panibagong impeachment complaint laban kay CJ Sereno, inihain sa Kamara
Isa pang impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang inihain sa Kamara.
Ang ikalawang impeachment complainbt ay inihain ni Atty. Larry Gadon bilang isang taxpayer.
Apat na dahilan ang inilahad ni Gadon para mapatalsik ang punong mahistrado ng Korte Suprema: ang culpable violation of the Constitution, corruption, other high crimes at betrayal of public trust.
Base sa 52-pahinang reklamo ni Gadon, sinabi nito na nilabag ni CJ Sereno ang Saligang Batas dahil sa ginawa umano nitong pamemeke ng ilang resolusyon at temporary restraining order ng Korte Suprema, pagsisinungaling sa kanyang Statement of Assets Liability and Networth, pagmanipula sa shortlist ng Judicial and Bar Council para sa bakanteng posisyon sa Supreme Court.
Inakusahan din ni Gadon ng katiwalian si CJ Sereno matapos itong bumili ng limang milyong pisong halaga ng sasakyan gamit ang pondo ng korte, pag-check in sa mga mamahaling hotel sa kanyang mga byahe, pagbili ng business class na ticket sa eroplano at pagsasama ng maraming lawyer sa kanyang mga foreign trips.
Ayon kay Gadon, nakagawa rin ng ibang high crimes ang punong mahistrado matapos nitong atasan ang Muntinlupa regional trial court na huwag magpalabas ng warrant of arrest laban kay Senador Leila De Lima. Kinausap din umano ni Sereno ang Presiding Justice at iba pang mahistrado ng Court of Appeals upang huwag sundin ang utos ng House of Representatives.
Aniya, sinira ni CJ Sereno ang tiwala ng publiko matapos itong kumuha ng serbisyo ng Information Technology consultant ng may napakalaking suweldo na hindi man dumaan sa public bidding. Nagbigay rin aniya ito ng maanghang na pahayag laban sa pangulo dahilan upang magkaroon ng tunggalian ang ehekutibo at hudikatura.
Bukod dito, binatikos din ni Sereno ang Martial Law sa Mindanao kahit na may nakahain ng petisyon laban dito sa korte, nagtalaga din daw ito ng mga opisyal sa Korte Suprema nang walang pagpayag mula sa en banc. Nagiging arogante din umano si Sereno sa pmamagitan ng pagpapatakbo ng Korte Suprema at ang hudikatura nang mag-isa kaya nawawala ang pagiging collegial body nito.
Inendorso ng 25 kongresista ang nasabing reklamo na inihain ngayong gabi sa tanggapan ni House Secretary-General Cesar Pareja. Kabilang sa mga ito sina Deputy Speakers Gwen Garcia, Ferdinand Hernandez, Rep. Robert Ace Barbers, Rep. Romeo Acop, Rep. Rodito Albano, Rep. Arnel Ty.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.