France, itinanggi ang banat ni Pangulong Duterte sa kanilang criminal law
Sinagot ng French Embassy ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa criminal law sa France.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ng pangulo na sa France ang mga suspek ay ‘presumed guilty until proven innocent’.
Pero itinama ng embahada ng France ang pahayag na ito ni Duterte.
Ayon sa statement na inilabas ng embahada, ang umiiral sa batas sa Pilipinas hinggil sa ‘presumption of innocence until proven guilty’ ang siya ring pinaiiral ng French judicial system base sa isinasaad ng French Declaration of Human and Civic Rights noong August 26, 1789.
Nakasaad din sa pahayag na pinahahalagahan ng France ang rule of law at due process at inirerespeto nila ang human rights sa lahat ng bansa kabilang na ang Pilipinas.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag kasunod ng pagsagot niya kay UN Special Rapporteur Agnes Callamard na isang French citizen.
Kamakailan kasi, sinabi ni Callamard na murder na maituturing ang pagkamatay ng 17-anyos na si Kian Delos Santos kasabay ng pagbanat sa madugong kampanya laban sa ilegal na droga ng Duterte administration.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.