Gobyerno, magbabayad ng P7B para sa hindi naisakatuparang obligasyon sa operasyon ng LRT 1
Magbabayad ng malaking halaga ang pamahalaan sa Ayala Land Inc. at sa Metro Pacific Investments Corp. para sa hindi naman naisakatuparang obligasyon sa Light Rail Transit Line 1.
Ito ang nakasaad sa kopya ng liham na nakuha ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
Sa nasabing liham na may petsang August 7, inabisuhan ni Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya si Budget Secretary Florencio Abad na hindi matatpaos ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang obligasyon nito sa ilalim ng concession agreement.
Sa nasabing liham, hiniling ni Abaya sa DBM na humugot ng P7.52 billion mula sa P30 billion Risk Management Program Fund sa ilalim ng 2015 national budget para mabayaran ang penalty sa umano ay ‘unfulfilled commitments’.
Ang bayarin sa penalty ay kinabibilangan ng P5.41 billion para sa kabiguan ng gobyerno na tumugon sa obligasyon nito para sa operation and maintenance ng LRT-1 system at P106.67 million naman para sa kabiguang maitaas ang minimum fare.
Ang concession agreement ay nilagdaan ng DOTC at ng LRTA kasama ang Ayala-Metro Pacific consortium, Light Rail Manila Consortium (LRMC), noong October 2, 2014 para sa LRT- 1 Cavite Extension project.
Sakop din ng 32-year contract ang management at operation ng LRT-1 at ang pagtatayo ng common terminal para sa light rail network sa Metro Manila na itatayo sa North Avenue sa EDSA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.