Apat na pulis-Caloocan, inireklamo na ng murder sa DOJ
Ipinagharap na ng reklamo ng Public Attorney’s Office (PAO) sa Department of Justice (DOJ) ang apat na pulis-Caloocan kaugnay sa pagkamatay ng 17-anyos na si Kian Lloyd Delos Santos.
Reklamong murder at paglabag sa RA 9145 o Anti-Torture Act leading to death and involving children ang inihain ng PAO laban kina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda, PO1 Jerwin Cruz, Precinct Commander na si Chief Insp. Amor Cerillo at ilan pang John Does.
Ayon kay PAO Chief Percida Rueda-Acosta, mayroong treachery sa ginawang pamamaslang ng mga nasabing pulis.
Wala aniyang kalaban-laban ang biktima ng barilin ng mga pulis.
Base sa forensic expert ng PAO na si Dr. Erwin Erfe, si Kian ay nagtamo ng tatlong tama ng bala kung saan dalawa rito ay sa ulo at isa sa likod.
Mayroon din aniya sila matibay na ebidensya na si Kian ang kinaladkad na pasakal ng dalawang pulis na nakuha sa CCTV.
Kasama ng PAO at VACC sa paghahain ng reklamo ang mga magulang ni Kian.
Sinabi rin ni Acosta na hawak na nila ngayon ang pang-apat na testigo sa pamamaril.
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) August 25, 2017
Hihilingin naman ng PAO na maisailalim sa Witness Protection Program ang mga testigo oras na maisampa na ang kaso.
Bukas ng umaga nakatakdang ihatid sa huling hantungan si Kian sa La Loma Cemetery sa Caloocan City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.