Pagkamatay ng asawa ng isa sa mga whistleblowers, maaaring may kinalaman sa P500M PDAF scam

By Kathleen Betina Aenlle September 04, 2015 - 04:34 AM

nbi-robes
Inquirer file photos

Tinitingnan ngayon ng National Bureau of Investigation ang posibleng kaugnayan ng pagkamatay sa ambush ni Chief Insp. Romeo Ricalde, asawa ni Bernadette Ricalde na isa sa mga whistleblowers sa bagong Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam na kinasasangkutan ng 15 bogus na nongovernment organizations (NGOs) at 20 kasaluyan at dating mga mambabatas.

Ayon kay Bernadette na dating staff member ni San Jose del Monte Rep. Arturo Robes, napatay sa pamamaril ng mga armadong lalaki sakay ng motorsiklo ang kaniyang asawa noong October 26, 2013.

Mayroon kasing naitagong recording si C/Insp. Ricalde ng pag-uusap nila ni Florida Robes, asawa ni Cong. Robes, tungkol sa mga transaksyon ng WorkPhil at Sagip-Buhay People Support Foundations na parehong hinihinalang sangkot sa P500 -M pork scam na umpisang inimbestigahan ng NBI noon pang September 2013, isang buwan bago mapatay ang pulis.

Noong panahon ng pagkamatay ni Romeo, hindi pa naisip ni Bernadette na maaaring may kinalaman ito sa hinihinalang ilegal na gawain ng mga nasabing NGOs, at baka ito ay may kaugnayan lamang sa kaniyang trabaho bilang pulis.

Ngunit nagsimula ang kaniyang suspetya matapos niyang mapakinggan ang nasabing recorded na pag-uusap ng kaniyang asawa at ni Mrs. Robes sa cell phone ni Romeo.

Isiniwalat ni Bernadette sa kaniyang sinumpaang salaysay na kasama sa mga isinumiteng affidavit ni Atty. Levito Baligod, abogado ng mga whistleblowers, sa Office of the Ombudsman noong Miyerkules na ang mga NGOs na WorkPhil at Sagip-Buhay ay nakatanggap ng tinatayang P200-M mula sa pork barrel funds ng ilang miyembro ng Kamara.

Bukod aniya sa pork barrel, nakakuha din ang mga nasabing organisasyon ng P10 milyong alokasyon mula sa Presidential Social Funds ng administrasyong Arroyo noong Feb. 11, 2010 pero ito ay dineposito sa personal na account ng isa sa mga empleyado ni Robes na si Michelle Imperial.

Ani Ricalde, itinayo at ipinarehistro ang dalawang organisasyon noong 2008 sa utos ni Mrs. Robes.

Mga empleyado umano ng mag-asawang Robes ang mga incorporators ng WorkPhil, habang halong mga tauhan naman ni Mrs. Robes at Evelyn Miranda ang sa Sagip Buhay. Si Miranda ay kabilang sa listahan ng 15 operators ng mga kahina-hinalang NGOs.

Sa nasabing recorded na pag-uusap na may habang 26 minuto, ang babaeng kausap ni Romeo na hinihinalang si Mrs. Robes ay inaatasan siya na sabihan ang kaniyang asawang si Bernadette na maglabas ng affidavit na wala siyang kinalaman o kaugnayan sa dalawang NGOs at ituro na si Miranda ang totoong may-ari nito.

Samantala, nananatili pa ring case unclosed ang pagkamatay ni Romeo na hepe ng Northern Police District antidrug division.

Ayon kay Supt. Rodel Marcelo na pinuno ng Quezon City Police District Criminal Investigation Unit, wala pa ring suspek na naaaresto sa nangyaring krimen.

Bihasa aniya ang mga suspek na parang iyong mga nasa pelikula dahil hindi man lamang nag-abalang bumaba ang mga ito ng motorsiklo nang pagbabarilin ang sasakyan ng biktima gamit ang mahahabang mga baril.

Inihayag din aniya sa kaniya ng byuda na nakakatanggap na rin ng mga banta sa buhay ang kaniyang asawa bago pa man maganap ang pagpatay.

Nais malaman ni Ricalde ang motibo sa pagpatay sa kaniyang kabiyak na nananatiling misteryo sa kanila, kaya naman siniguro sa kaniya ng NBI na iimbestigahan nila ang posibleng koneksyon nito sa nasabing pork scam o kung ito ay dahil sa kaniyang trabaho bilang pulis.

TAGS: 500m pork scam, 500m pork scam

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.