Kalahating milyon, alok ng Dasmarinas, Cavite LGU para sa ulo ng mga riding-in-tandem killers sa lungsod
Nag-alok ng kalahating milyong pisong pabuya ang pamahalaang lungsod ng Dasmarinas sa Cavite para sa makapagtuturo sa mga suspect na riding-in-tandem na namamaril sa lugar.
Sa statement na inilabas ni Mayor Elpidio ‘Pidi’ Barzaga, sinabi nito na ang P500,000 libong pisong reward ay ibibigay sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para mahuli ang mga suspect.
Nagpapatupad na rin ang Sangguniang Panglunsod ng ‘No helmet policy’ at 20 to 40 km/hour na speed limit sa mga motorsiklo bilang tugon sa sunod-sunod na insidente ng pamamaril ng mga lalaking naka-motor.
Mas pinaigting na rin ng Dasmarinas City Police ang pagbabantay at seguridad sa lungsod sa pamamagitan ng paglalagay ng checkpoints.
Viral ngayon sa social media ang mga post kaugnay ng umano’y gumagala na riding-in-tandem sa Imus at Dasmarinas kung saan bigla-bigla na lamang umanong namamaril ang mga suspect ng kung sinuman ang matipuhan, kahit pa walang kinalaman ang mga biktima sa iligal na droga.
Noong nakaraang linggo, isang traffic enforcer na si Cesar Saballa ang bigla na lamang pinagbabaril ng mga lalaking naka-motorsiklo habang naka-standby lamang sa gilid ng kalsada.
Nagtamo ng apat na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang enforcer na himala namang nakaligtas.
Nagpaalala naman ang pamahalaang lungsod sa mga residente na maging mapagmatiyag at mag-ingat lalo na sa gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.