Bautista pinabababa na sa pwesto ng mga Comelec Commissioners
Hinihinakayat ngayon ng mga Comelec Commisioners si Chairman Andres Bautista na magbitiw o mag-leave of absence mula sa komisyon.
Sa isang press conference sa Sulu Hotel sa Quezon City, sinabi nina Commisioners Christian Robert Lim, Maria Rowena Amelia Guanzon, Lui Tito Guia, Arthur Lim, Sherrif Abas at Al Pareño na ginawa nila ang napawagan dahil napapabayaan na ni Bautista ang trabaho nito sa Comelec.
Sa kanilang press statement, inihalimbawa ng mga opisyal ang hindi pagsipot ni Bautista sa hearing ng kanilang budget kahapon, ang nakabitin nilang paghahanda para sa Barangay at Sk elections at mga nakatenggang dokumento na kailangan ng pirma nito.
Inaasahan din ng mga ito na lalong mawawalan ng panahon si Bautista sa Comelec lalo’t sinampahan na ito ng impeachment complaint sa Kamara.
Pero nilinaw ng grupo na nasa pagpapasya pa rin ni Bautista kung pakikinggan nito ang kanilang panawagan.
Gusto din ng mga ito na pagtuunan muna ng pansin ni Bautista ang kanyang pamilya partikular ang kanyang apat na anak.
Sa ilalim ng batas, sakaling magbitiw o mag-LOA si Bautista, kailangang pumili ng acting chairman ang Comelec En banc.
Base sa consensus ng mga commissioner gusto nila na maging acting Chairman si Commissioner Lim na pinaka-senior sa kanilang hanay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.