Retired DEU chief at anak nito, patay sa ambush sa Mandaluyong

By Kabie Aenlle August 22, 2017 - 04:25 AM

 

Patay ang isang retiradong opisyal ng pulisya, pati na ang kaniyang anak matapos silang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa lungsod ng Mandaluyong.

Kinilala ang mga biktima na si dating Chief Insp. Hoover Pascual na dating hepe ng Drug Enforcement Unit ng Mandaluyong at San Juan City, at 33-anyos niyang anak na si Bryan Henrick.

Umalis umano ang mag-ama sa kanilang tahanan, kasama ang kasintahan ni Bryan na si Marigold Remo, lulan ng Mercedes Benz na may plakang PJW 733.

Si Pascual ang nagmamaneho ng sasakyan, habang ang anak niya ay katabi niya sa passenger’s seat sa harapan.

Pagdating nila sa kanto ng Blumentritt at Primo Cruz sa Barangay Hulo, doon na sila tinambangan ng mga suspek.

Ayon kay Mandaluyong police chief Senior Superintendent Joaquin Alva, posibleng higit pa sa dalawa ang mga suspek at maaring ang isa sa mga ito ang nagpaputok sa biktima, habang ang iba naman ay sakay ng van na humarang sa sasakyan ng mag-ama.

Naniniwala naman si Eastern Police District director Chief Supt. Romulo Sapitula na malaki ang posibilidad na may kinalaman ang dati nitong posisyon sa DEU sa pamamaril kay Pascual.

Samantala, mapalad namang hindi nasaktan sa pananambang si Remo na ligtas na nakatakas.

Dinala si Bryan sa Lourdes Hospital habang sa Mandaluyong City Medical Center ang kaniyang ama, ngunit pareho silang nasawi habang nasa biyahe.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.