LTFRB, manghuhuli na ulit ng mga pasaway na Uber drivers
Matapos ibasura ang motion for reconsideration na inihain ng transport network company (TNC) na Uber kahapon, inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na itutuloy na nila ang panghuhuli sa mga drivers nito.
Dahil dito, pinaalalahanan ng LTFRB ang mga drivers ng Uber na huwag nang maging pasaway, dahil gagawa naman sila ng solusyon para sa mga maapektuhan ng suspensyon ng operasyon ng naturang TNC.
Ayon kay LTFRB board member Aileen Lizada, gagawan nila ng paraan ang lahat ng mga ikinababahala ng mga drivers na ngayo’y mawawalan ng kita habang suspendido pa rin ang Uber.
Sa pahayag naman ng Uber, bagaman dismayado sila sa naging desisyon ng LTFRB, tiniyak nila sa publiko na susunod sila sa kautusan.
Nagpasalamat rin sila sa mga sumuporta sa kanila at tiniyak na agad reresolbahan ang isyu.
Sa desisyon ng LTFRB, iginiit nilang napakasimple lamang ng utos nila noong July 26 sa TNC na huwag munang tumanggap ng mga bagong drivers.
Ngunit dahil sa pag-amin ng Uber na tumatanggap pa rin sila ng mga applications, lumalabas na isa anila itong “declaration against interest.”
Sakaling mahuli, mumultahan ng P120,000 ang mga drivers na lalabag pa rin sa kautusang ito at mai-impound sa loob ng tatlong buwan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.