Customs Intel chief Estrella, iginiit na tama at nararapat ang kanyang ginawa sa nasabat na mahigit 600kg ng shabu
“Ginawa ko ang sa tingin ko ay tama at nararapat”.
Iyan ang tugon ni Col. Neil Anthony Estrella, ang nagbitiw na hepe ng Customs Intelligence and Investigation Service ng Bureau of Customs, sa mga pahayag na nasira ang tsansa ng gobyernong madiin ang mga responsable sa pagpasok na 605 kilo na ilegal na droga sa bansa.
Sinabi ni Estrella na lubhang napakahirap na daan ang kanyang tinahak ng sugurin ng kanilang team ang warehouse sa Valenzuela City upang mabawi ang mga drogang nagkakahalaga ng P6.4 billion mula China.
Hindi rin umano siya natatakot makasuhan at makulong dahil sa umanoy di pagsunod sa ibang administratibong hakbangin na dapat umanong sinunod nya sa pagbawi ng droga.
Sinabi ni Estrella na mas mahalaga ay agad nilang nabawi ang mga droga at napigilan ang posibleng pagkalat nito sa mga lansangan.
Sinabi pa ni Estrella, hindi totoong humina ang ebidensya ng gobyerno laban sa mga importer ng mga kontrabando dahil ang Customs Modernization Act ay nagpapahintulot sa kanila sa search and seizure sa mga lugar na labas na sa BOC kung ang shipment ay underclared o smuggled.
Ito din aniya ang naging paliwanag ni Senador Chiz Escudero sa nakaraang Senate hearing.
Handa umano si Estrella na harapin ang posibleng kasong isasampa sa kaniya at sa kaniyang team sa pagganap ng kanilang misyon na pinapurihan hindi lamang ng BOC kundi maging ng Chinese Customs.
Nanawagan si Estrella sa publiko na maging bukas ang isipan sa isyu at pakinggan mabuti kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.