Accreditation ng mga social media bloggers hindi daw hahaluan ng kulay-pulitika
Hindi umano hahaluan ng political color ng Malakanyang ang akreditasyon sa mga social media practitioners na gustong makapag-kober sa mga lakad at aktibidad ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iyan ang paglilinaw ni Communications Secretary Martin Andanar sa harap ng imbitasyon ng Palasyo sa mga blogger na magpa-accredit, sila man ay Pro o Anti-Duterte.
Ayon kay Andanar, kailangan lamang maging consistent ng mga blogger sa kanilang write-ups hinggil sa pangulo.
Kailangan din aniyang humingi ng approval ang mga blogger sa Presidential Security Group kapag sila ay magkokober sa Presidente.
Ang accreditation aniya ng mga blogger o social media practitioners ay hindi bilang journalist o mamamahayag at hindi bilang miyembro ng mainstream media o ng Malacañang Press Corps.
Kamakailan ay nilagdaan ng kalihim ang Department Order No. 15 o interim social media practitioner accreditation para payagan ang mga social media practitioner o bloggers na may edad 18 pataas at may 5,000 followers ang kanilang social media page.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.