Pagkatay sa 200,000 manok na apektado ng bird flu sa Pampanga, sinimulan na
Magsisimula ngayong araw ng Linggo ang pagkatay sa mga manok na tinamaan ng avian flu o bird flu sa ilang poultry farms sa Pampanga.
Sa isang panayam, sinabi ni Arlene Vytiaco ng Bureau of Animal Industry na dalawangdaang libong manok mula sa anim na farm na apektado ng bird flu ang nakatakdang katayin.
Inaasahan aniya na matatapos sa loob ng tatlo hanggang apat na araw ang isasagawang culling at depopulation process sa mga manok sa pamamagitan ng carbon dioxide suffocation.
Sinabi din ni Vytiaco na kinakailangan na gawing maingat ang proseso para matiyak na mapipigilan ang pagkalat ng virus.
Pero binanggit pa ni Vytiaco na namamatay na ang virus kapag niluto na ang manok, at sakaling may makalusot man, hindi ito nagdudulot ng sakit sa tao na kakain nito.
Nilinaw din ng opisyal na lahat ng mga manok at itlog na nasa merkado ay nagmula sa malinis na lugar na hindi apektado ng bird flu kung kaya’t ito ay ligtas na kainin.
Una nang idineklara ang state of calamity sa Pampanga kasunod ng bird flu outbreak sa bayan ng San Luis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.