Mga opisyal ng Customs, sinuportahan pa rin ni Pangulong Duterte
Sa kabila ng kaguluhan ngayon sa Bureau of Customs (BOC) dahil sa pagsulpot ng isyu na nagkakaroon ng suhulan at pagkakapuslit ng iligal na droga mula sa ibang bansa, sinuportahan pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng kawanihan.
Dahil sa pagkakalusot ng P6.4 bilyong pisong halaga ng shabu sa isang shipment, marami na ang mga nananawagan kay Pangulong Duterte na sibakin o palitan na ang kaniyang mga opisyal sa Customs.
Ngunit sa kabila nito ay nanindigan ang pangulo sa kaniyang desisyon.
Ayon kay Duterte, namumutiktik talaga sa katiwalian ang Customs, kaya nga siya naglagay ng mga sundalong nag-aklas noong administrasyong Arroyo dahil sa pagnanais ng reporma.
Nanawagan aniya ng reporma ang mga ito noon dahil hindi na nila kaya ang pamamayagpag ng katiwalian.
Gayunman, nakalulungkot aniya na nadadamay ang pangalan ng kaniyang anak na si Vice Mayor Paolo Duterte sa isyu.
Tiniyak naman ng pangulo na oras na mapatunayang sinuman sa kaniyang mga anak ang sangkot sa korapsyon, ay magbibitiw agad siya sa pwesto.
Samantala, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na hindi makikialam ang pangulo sa mga ganitong usapin, bagkus ay hahayaan nitong masunod ang proseso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.