Mga nasungan sa Parola Compound, nasa Delpan Sports Complex pa rin
Mananatili sa labas ng Delpan Sports Complex ang mga nagsilikas na biktima ng sunog noong Pebrero sa Parola, Tondo, Maynila hangga’t hindi sila nabibigyan ng karampatang tulong ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Ito ay matapos mabalot ng tensyon ang ginawang pagpapaalis sa evacuees kahapon sa naturang sports complex, dahil umano sa overstaying.
Paliwanag ng nasa dalawamput tatlong pamilya, wala pa silang perang pambayad ng renta ng tirahan o pang-negosyo.
Inaasahan rin umano nila na bagay na ibibigay ito ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Dagdag pa ng mga evacuees, tanging relief goods at tig-P1,000 lamang ang ibinigay sa bawat evacuee noon pang buwan ng Marso.
Hindi umano sila binigyan ng materyales at pera pampagawa ng bahay, at ang mga binigyan lamang nito ay ang mga may-ari ng paupahan sa Parola.
Sapilitan rin umano ang pagpapapirma sa waiver ng LGU na nagsasaad na pumapayag silang maihatid na sa kani-kanilang probinsya, pansamantalang patirahin sa Boys Town sa Marikina o mabigyan ng educational at livelihood plan.
Una na rito, ayon kay Manila Mayor Joseph Erap Estrada, ang pagpapaalis sa evacuees ay magbibigay daan sa pagkukumpuni ng evacuation center na pag aari ng pamahalaan.
Paliwanag ng alkalde, sapat na ang ibinigay na tulong ng lokal na pamahalaan para sa mga nasunugang pamilya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.