Maliban sa DAP at PDAF, regular funds ng mga government agencies nagagamit din sa bogus NGOs
Maging ang regular na pondo ng mga ahensya ng gobyerno ay nagagamit din sa mga bogus na Non-Government Organizations (NGOs).
Ito ang sinabi ni Atty. Levi Baligod sa panayam ng Radyo Inquirer. Ayon kay Baligod, sa panibagong kaso na kaniyang isasampa sa Office of the Ombudsman, lilitaw na mayroong 20 mambabatas at mga NGOs ang nakinabang sa pork barrel scam na aabot sa P500 milyon.
Ayon kay Baligod, hindi lang pork barrel at Disbursement Acceleration Program (DAP) ang pinagkukunan ng pondo para sa mga bogus NGOs kundi maging ang mga regular funds ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Ilan sa inihalimbawa ni Baligod na ahensya ng gobyerno ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang Department of Agriculture (DA).
Maliban dito, sinabi ni Baligod na noong 2013, tuloy-tuloy pa rin ang scam sa pork barrel sangkot ang mga mambabatas at ibang personalidad na ang kalakaran ay kahalintulad ng kay Janet Lim-Napoles. “Kung ipagpapatuloy ng Office of the Ombudsman ang imbestigasyon, marami pa silang makikita, may mga maipapakita tayo na noong 2013 ay tuloy-tuloy pa rin, parehong personalities, parehong NGOs. Nakakakuha sila ng pindo hindi lang sa PDAF, pati regular funds ng ibang agencies,” sinabi ni Baligod.
Lilitaw din aniya sa nasabing kaso na may mga mambabatas na maliban sa pakikipagtransaksyon kay Napoles ay nakipagtransaksyon din sa ibang kahalintulad ni Napoles.
Ayon kay Baligod, isasampa niya ang kaso dahil dismayado siya sa aksyon ng Department of Justice (DOJ) sa mga kasong may kaugnayan sa pork barrel fund scam. “Isinampa namin ito kasi sabi ng DOJ, tapos na daw ang kaso at wala nasilang sasampahan. Im greatly disappointed after having been given a hope that the present administration will take ‘tuwid na daan’,” dagdag pa ni Baligod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.