Bloggers, hindi otomatikong makakapag-cover kay Pangulong Duterte
Nilinaw ng Malacañang na hindi dahil welcome na sa kanila ang mga bloggers, ay otomatiko na silang makakapag-cover ng mga events ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng Palasyo.
Ayon kay Asst. Sec. Kris Ablan, nasa Presidential Security Group (PSG) pa rin ang huling desisyon kung papayagan nila ang mga nagpapa-accredit na bloggers sa kanila.
Ani Ablan, hindi naman otomatiko ang pagpasok ng mga bloggers bilang bahagi ng Malacañang Press Corps.
Hindi rin aniya sapat ang mabigyan lang sila ng accreditation mula sa Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Kailangan pa rin aniyang dumaan ng mga bloggers sa kamay ng PSG dahil papasok sila sa bisinidad ng Malacañang, at ang Pangulong Duterte ang kanilang iko-cover.
Kaya naman kahit aniya mabigyan sila ng accreditation ng PCOO, ngunit tinanggihan sila ng PSG, hindi pa rin sila maaring magpatuloy.
Samantala, nilinaw rin ni Ablan na hindi naman nila papayagan din ang napakaraming bloggers sa isang press briefing.
Posibleng nasa lima lang ang kanilang papayagang makapasok, pagkatapos ay ang iba naman ang papayagang pumasok sa mga susunod na press briefing, depende kung ilan ang kaya nilang i-accomodate.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.