Opisyal ng Customs na ipinatawag sa Kamara, maling tao ayon kay Taguba
Nilinaw ng Customs broker na si Mark Taguba sa Kamara na ang ipinatawag nilang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) ay hindi ang parehong taong tinukoy niya sa mga ibinulgar niyang pangalan na tumatanggap umano ng suhol.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Kamara tungkol sa nakapuslit na P6.4 bilyong halaga ng shabu shipment sa bansa, inimbitahan nila ang opisyal ng BOC na si Nanie Koh.
Ito’y matapos mapabilang sa inilabas na listahan ni Taguba ng mga tumatanggap umano ng padulas, ang isang “Tita Nanie.”
Mariing itinanggi ni Koh na siya ang tinutukoy ni Taguba sa listahan, ngunit hindi naman ito agad nakumpirma dahil wala pa sa unang bahagi ng pagdinig si Taguba.
Pero pagdating ni Taguba, agad siyang tinanong ni Rep. Ace Barbers para tukuyin kung si Koh ba at ang “Tita Nanie” na nasa kaniyang listahan ay iisa.
Doon na sinabi ni Taguba na hindi iisa sina Koh at ang nasabing “Tita Nanie,” dahilan para maging emosyunal ang nasabing opisyal ng Customs.
Sumama ang loob ni Koh dahil nasira ang kaniyang pangalan matapos mapagbintangan, lalo’t hindi lang naman siya ang apektado kundi pati ang kaniyang pamilya.
Sa kabila nito, tiniyak ni Barbers na malinis na ang pangalan ni Koh sa isyu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.