Duterte sa mga sundalo sa Marawi: ‘Manatili kayong buhay’
Hinihikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalong nasa Marawi City na panatilihing buhay ang kanilang mga sarili.
Para ganahan ang mga sundalo, sinabi pa ng pangulo na oras na maipanalo na nila ang digmaan sa Marawi, posibleng ilibre pa sila ni Duterte ng all-expense-paid na trip to Hong Kong.
Sakali aniyang matuloy ito, maari pa sigurong isama ng mga sundalo ang kanilang mga misis o partner.
Nangako ang pangulo na marami pang mga sorpresa ang sasalubong sa mga sundalo basta’t makauwi ang mga ito nang buhay pagkatapos ng laban.
Hinikayat rin niya ang mga sundalo na huwag nang masyadong mag-madali at pwersahin ang pakikipaglaban dahil malapit na rin naman nang matapos ang digmaan.
Kasunod ng kaniyang pasasalamat, sinabi rin ng pangulo na umaasa siyang muli pa niyang makikita ang mga sundalong kaniyang nakaharap sa Marawi.
Samantala, ipinaliwanag naman ng Palasyo na bahago ng pagpapalakas sa pwersa ng AFP ang hiling ni Pangulong Duterte na dagdagan ng 20,000 ang hanay ng mga sundalo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ito’y para na rin mas mapaigting ang seguridad ng bansa sa kasagsagan ng nagpapatuloy na mga banta ng terorismo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.