Inimbitahan ng Environment Protection and Waste Management Department (EPWMD) ng pamahalaang lokal ng Quezon City ang mahigit 700 recyclers para sa gagawing solid waste and management forum.
Ito ay matapos inanunsiyo ang pansamantalang pagsasara ng Payatas dumpsite.
Ayon kay Remelito Hirang, hepe ng EPWMD monitoring, inspection and enforcement section, layunin ng “Zero Litter in QC Project” forum na turuan ang mga recyclers nang tamang paggawa para sa aspeto ng kalusugan at sanitasyon.
Layunin din aniya nito na magkaroon ng pagkakaisa ang mga recyclers sa mga polisiya at proyekto ng environmental management.
Maliban dito, nais din ng lokal na pamahalaan na magtayo ng recycling facility kung saan iipunin ang lahat ng basura mula sa mga junk shop para ma-recycle.
Samantala, ipinasuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang operasyon sa Payatas dahil sa paglala ng tambak na basura sa lugar.
Paliwanag ni EPWMD head Frederika Rentoy, nagiging maputik at madulas ang lugar kung kaya’t nahihirapan ang mga garbage truck sa operasyon.
Kaugnay nito, sinabi ni City administrator Aldrin Cuña na naghahanda na ang pamahalaang lokal sa pagsasara nito sa pagtatapos ng taon ngunit dapat aniyang magdesisyon ang MMDA kung saan ilalagay ang mga makokoletang basura sa mga susunod na araw.
Sa ngayon, pansamantalang inilalagay ang mga basurang nakolekta mula sa District 1, 3 at 4 sa Vitas, Tondo sa Maynila at sa Rodriguez, Rizal mula sa District 2, 5 at 6.
Gayunman, sinabi ni Rentoy na hiniling ng EPWMD sa MMDA na muling buksan ang operasyon para malinis at maisaayos ang accumulation backlog sa lugar.
Nakatakda namang isagawa ang forum sa Bulwagang Amoranto, Quezon City Hall sa darating na August 11.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.