N. Korean leader Kim Jong Un, ‘tarantado at buang’ ayon kay Pangulong Duterte
Tinawag na ‘buang’ at tarantado ni Pangulong Duterte si North Korea leader Kim Jong Un dahil sa paglulunsad nito ng mga missile tests sa kabila ng pagkondena ng iba’t ibang mga bansa.
Anya, naglalaro si Kim ng mga mapanganib na armas.
Matatandaan na nitong Hulyo, dalawang beses na nagsagawa ang NoKor ng intercontinental ballistic missile (ICBM) tests – mga missiles na kayang umabot sa kahit anong bahagi ng mundo.
Nagdudulot ito ng tensiyon sa rehiyon at mariing kinukondena ng mga bansa lalo na ng Japan, US at ng South Korea.
Ayon kay Duterte, anumang pagkakamali na magawa ni Kim sa paggamit ng mga armas na ito ay maaring ikawasak sa Asya.
Ito aniya ang dahilan kung kaya’t dapat na mapigil ang mga ginagawa ng North Korean leader.
Nakatakdang namang dumating sa bansa si North Korean Foreign Minister Ri Su-yong sa ASEAN Ministerial Meeting sa Maynila na gaganapin ngayong linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.