Hepe ng pulisya sa Ozamis City hindi sisibakin ayon sa PNP
Mananatili sa kanyang pwesto bilang Ozamis City Police Station Commander si Chief Inspector Jovie Espenido.
Sinabi ni Philippine National Police Chief Ronald Dela Rosa na bukas rin ang kanyang tanggapan sa anumang imbestigasyon kaugnay sa naganap na raid kahapon ng umaga a bahay ni Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog Sr..
Sa nasabing pagsalakay ng tropa ni Espenido kasama ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group at napatay ni Mayor Parojinog kasama ang kanyang misis, kapatid at ilan pang mga tauhan.
Ito ay makalipas silang makipagbarilan sa mga tauhan ng pulisya.
Bukod sa mga matataas na kalibre ng baril at nakarekober rin ang raiding team ng ilang kilo ng shabu at malaking halaga ng pera.
Sinabi ni Dela Rosa na walang dahilan para alisin niya si Espenido sa kanyang pwesto.
Si Espenido rin ang hepe ng pulisya sa Albuera, Leyte nang mapatay ng mga tauhan ng CIDG si dating Mayor Rolando Espinosa sa loob ng Baybay sub-provincial jail.
Babala pa ng PNP Chief na patunay lamang ang naganap na engkwentro sa Ozamis City na buhay pa rin ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Kasabay nito ang kanyang banta na marami pang mga kahalintulad na operasyon ang ilulunsad ng PNP sa mga susunod na araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.