Binalaan ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder at political consultant Jose Maria Sison si Pangulong Rodrigo Duterte na huwag basta maliitin silang mga maka-kaliwa.
Sa kaniyang tugon sa mga patutsada sa kaniya ni Duterte sa State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Sison na hindi pareho ang pananaw nilang mga rebolusyunaryo at ng pamahalaan sa pagwawagi o pagtatagumpay.
Ani Sison, hindi sila tulad ng mga pulitiko na sinusukat ang panalo base sa mga nakolektang campaign funds mula sa kanilang mga “big comprador-landlord bosses,” panlilinlang sa publiko at pagkakahalal sa posisyon.
Para aniya sa kanila, ang panalo ay nakabase sa pagbuo ng revolutionary party of the proletariat o ang CPP, sa New People’s Army (NPA), sa mga organisasyon ng iba’t ibang sektor, alysansa ng mga revolutionary forces o ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP), at “ang local organs of political power.”
Dapat na aniyang magising si Duterte sa katotohanan na dalawa ang gobyerno sa Pilipinas; ang isa ay ang pamahalaan ng mga “big compradors and landlords” na pinamumunuan niya bilang pangulo, at ang rebolusyunaryong gobyerno ng mga manggagawa at mahihirap na pinamumunuan ng CPP.
Ayon pa kay Sison, hindi dapat maliitin ni Duterte ang mga makakaliwa, dahil mas magtatagal pa ang pwersang rebolusyunaryo kaysa kay Duterte, at mas tatatag pa ito sa mga darating pang panahon.
Kung gagawin aniya ito ni Duterte, inilalagay lang niya sa alanganin ang kaniyang rehimen na matatapos rin lang naman sa maiksing panahon, at pati na sa buong sistema ng mga compradors at landlords.
Samantala, sinabi rin ni Sison na kaya aksaya sa oras lang ang tingin ni Duterte sa peace talks ay dahil wala naman talagang interes ang pangulo na isulong ang usapan sa ngalan ng social, economic at political reforms para sa kapayapaan.
Aniya, interesado lang si Duterte na pasukuin ang kanilang kilusan sa pamamagitan ng matagalang ceasefire kahit wala pang nagpagkakasunduang reporma.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.