Duterte kay Sison: “Matanda ka na may colon cancer pa”
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na siya makikipag-usap sa mga makakaliwang grupo partikular na ang National Democratic Front (NDF).
Ipinaliwanag ng pangulo na matagal na niyang iniabot ang kamay ng kapayapaan sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) pero ilang beses na nila itong tinalikuran.
Nagpatuloy pa rin umano ang pag-atake sa mga tropa ng pamahalaan pati na ilang mga negosyante.
“Ikaw Sison matanda ka na…may colon cancer pa…para kayong turista dyan sa Netherland”, ayon pa sa pangulo.
Masyado umanong demanding ang komunistang grupo na wala namang napapatunayan na nagawang maayos sa bansa.
“Kayong mga nasa kalsada umuwi na kayo…wala kayong makukuha sa mga komunista”, paliwanag pa ni Duterte.
Binalaan rin ng pangulo ang mga militanteng grupo na tigilan na ang pang-aagaw ng mga bahay dahil tiyak na mapaparusahan sila sa ilalim ng mga umiiral na batas sa bansa.
Imbes na ilaan sa pakikipag-usap sa mga komunista, sinabi ng pangulo na ipambibili na lamang niya ng armas ang perang nauna niyang inilaan dito para magamit ng mga tropa ng pamahalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.