Deportation proceedings sa 44 dayuhang sangkot sa kidnapping, pinasisimulan na ng BI
Pinasisimulan na ng Bureau of Immigration ang deportation proceedings para sa 44 na dayuhan na nahuli sa kaso ng kidnap for ransom sa isa ring dayuhan kamakailan.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kanya nang ipinag-utos sa legal division na simulan ang proseso laban sa 42 Chinese at 2 Malaysian na suspek sa pagdukot sa isang Singaporean kapalit ng malaking halaga ng pera sa Pasay City.
Gayunman, tuloy pa rin ang kasong kidnapping laban sa mga suspek.
Idedeport lamang ang mga ito sa oras na mahatulan at mapagsilbihan na ng mga ito ang kanilang sentensya.
Una nang nadakip ng PNP Anti-Kidnapping Group at Fugitive Search Unit ng Bureau of Immigration ang mga suspek sa isang hotel sa Pasay City na nagresulta sa pagkakaligtas ng biktimang Singaporean.
Pinaniniwalaang sangkot sa malaking sindikato ang mga dayuhan na dumudukot ng mga player ng casino sa bansa.
Lumitaw sa record ng ahensya na pumasok sa bansa bilang turista ang mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.