Pag-aksiyon ng DOJ sa reklamong illegal detention, hindi labag sa prinsipyo ng ‘Separation of Church and State’-Dean Amado Valdez
Aminado si dating University of the East College of Law Dean Amado Valdez na malalim na usapin ang separation of church and state na siyang ibina-banderang isyu ngayon ng mga kasapi ng Iglesia ni Cristo.
Ayon kay Valdez, nagsimula ang nasabing doktrina sa ating batas dahil sa historical antecedence kung saan noong unang panahon ay pawang mga lider ng simbahan ang siyang namumuno rin sa pamahalaan.
Sa paglipas ng mga panahon ay nagbago ang panuntunan sa paghawak ng liderato o pamamahala sa gobyerno at nabigyan ng pagkakataon ang mas maraming tao na mamumuno.
Sa isyu na dinala ng INC sa lansangan, sinabi ni Valdez na tama ang pag-aksyon ng pamahalaan dahil may reklamong idinulog sa hukuman laban sa mga indibiduwal at hindi naman sa mismong simabahan.
“Ang dapat na ginawa ng magkabilang panig ay hinayaang dumaloy ang proseso ng batas dahil seryoso ang reklamong serious illegal detention”, ayon kay Valdez.
Dagdag pa ng nasabing abogado, “walang nilabag sa nasabing prinsipyo ang estado dahil umakto lamang ito sa base sa inihaing reklamo sa hukuman”.
Kung may kuwestyon ang pamunuan ng INC sa reklamo, sinabi ni Valdez na may umiiral naman na due process of law at pwede nilang kwestiyunin sa mataas na hukuman kung sa tingil nila ay mali ang ginawa ng Justice Department o ng piskalya.
Sa kabilang panig, nilinaw naman ni Valdez na ginagarantiyahan din ng saligang-batas ang kalayaan sa pamamahayag na siyang ginawa ng mga nag-rally na kasapi ng INC.
“Ayos lang na mag-rally basta’t tiyakin lamang nila na hindi sila nakaka-abala sa ibang tao”, ayon pa kay Valdez.
Sa huli ipinaliwanag din ni Valdez na ang tinatawag na “Golden Rule” ang siya pa ring dapat pairalin sa lahat ng pagkakaton dahil ito ang katanggap-tanggap na doktrina para sa maayos na pamumuhay ng lahat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.