Inamin na ng New People’s Army (NPA) na sila ang nasa likod ng serye ng mga pag-atake sa Caraga region kamakailan.
Ayon kay NPA Regional Operational Command spokesperson Ka Ariel Montero, kabilang sa mga opensibang kanilang ginawa ay ang pag-disarma nila kay Cortes, Surigao del Sur Vice Mayor Emmanuel Suarez.
Sinundan aniya ito ng pag-atake ng NPA sa Dole-Stanfilco banana plantation, kung saan sinira nila ang nasa anim na ektarya ng taniman ng saging at sinunog ang anim na mini-truck ng kumpanya.
Sinunod rin nila ang ilang mga kagamitan at sasakyan ng Mamsar Construction sa Surigao City, at kinagabihan ay pinatay nila ang militiaman na si Oning Lumacang sa Butuan City dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga anti-insurgency offensives.
Ipinunto rin nila sa kanilang pahayag na ginawa nila ang serye ng mga opensiba bilang pagtutol sa pagpapalawig ng idineklarang martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao, pati na ang opensiba ng militar sa ilalim ng Oplan Kapayapaan.
Mariin namang kinondena ng Surigao del Sur police ang mga pag-atake ng NPA dahil nagpapalaganap lamang sila ng takot sa mga sibilyan.
Nanawagan na rin sila sa mga residente na agad magsumbong sa kanila kung may mga impormasyon sila tungkol sa presensya ng mga rebelde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.