Metrowide full alert status, itinaas ng PNP para sa SONA ni Duterte
Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na all set na ang seguridad para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 24.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni NCRPO chief Oscar Albayalde na isandaang porsyento nang handa ang buong Kapulisan.
Simula aniya sa darating na weekend, ipupuwesto na ang mga pulis sa mga lugar na inaasahang dudumugin ng nasa 10,000-15,000 na militante para mag-kilos protesta.
Nasa 6,300 na miyembro naman aniya ng Civil Disturbance Management (CDM) ang idedeploy sa labas ng Batasan Complex.
Sinabi ni Albayalde na papayagan ang mga militante na pumuwesto sa 15-20 metro na layo mula sa South Gate ng Batasang Pambansa.
Sa ganap na alas kwatro ng madaling araw ng Lunes magsisimula ang deployment ng mga pulis.
Samantala, hindi na gagamit ang PNP ng signal jammer pero ipatutupad ang “no fly zone” sa loob ng 6-kilometer radius ng Batasan Pambansa.
Bukod dito, hindi na rin ipagbabawal ng PNP ang pagdadala ng backpacks at hindi na rin gagamit ng container vans bilang barikada.
Magdedeploy naman ng mga sundalo para matiyak ang kaligtasan at seguridad habang isinasagawa ang SONA ni Pangulong Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.