Mighty Corp. magbebenta ng P45-B assets upang ipambayad sa kanilang pagkakautang sa buwis
Plano nang ibenta ng local cigarette manufacturer na Mighty Corporationa ang 45-bilyong pisong halaga ng assets nito sa Japan Tobacco International (JTI) upang mabayaran umano ang pagkakautang nitong buwis sa gobyerno.
Ayon sa Department of Finance (DOF), nagpadala na ng liham si Mighty Corp. President Oscar Barrientos kay BIR Commisioner Cesar Dulay upang ipag-bigay alam ang naturang plano.
Sa statement mula sa DOF, ipinaliwanag aniya ni Barrientos na handa ang Mighty Corp. na magbayad ng 25-bilyong piso sa gobyerno bilang ‘settlement’ sa kanilang tax obligations.
Una nang sinisingil ng pamahalaan ng kabuuang 37.88-bilyong piso ang Mighty Corp. bilang pagkakautang sa excise tax dahil sa paggamit umano ng mga pekeng taxt stamp.
Magagawa aniyang mabayaran ng kumpanya ang naturang halaga sa pamamagitan ng ‘interim loan’ mula sa Japan Tobacco International at ang pagbebenta ng malaking bahagi ng kumpanya sa JTI.
Ayon naman kay Finance Secretary Carlos Dominguez, kasalukuyan na nilang pinag-aaralan ang panukala ng Mighty Corporation.
Matatandaang kinasuhan ng BIR ng tatlong tax evasion cases ang Mighty Corporation dahil sa paggamit umano ng mga pekeng tax stamp sa kanilang produkto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.