P234-M halaga ng upa na binayaran ng PAGCOR, na-disallow ng COA
Opisyal nang idineklara ng Commission on Audit (COA) na disallowance ang inilabas na P234 milyong disbursement ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ginamit ang nasabing halaga para sa advance lease payment o upa sa isang ipinanukalang gawing gaming site.
Base sa 2016 audit report ng PAGCOR, kinumpirma ng COA ang nauna na nilang findings na ikalulugi ng pamahalaan ang nasabing kasunduan noong 2016.
Pinasok ng mga dating opisyal ng PAGCOR ang maanomalyang lease agreement sa Vanderwood Management Corporation (VMC) na nagkakahalaga ng P3.2 bilyong piso para sa pag-upa sa dating pwesto ng Army and Navy Club sa Maynila para gawing bagong casino.
Gayunman, idineklarang legal naman ng bagong administrasyon ang nasabing kasunduan.
Nagbayad na umano ang PAGCOR ng P234 milyon ang advanced na bayad sa upa para sa naturang pasilidad na hindi pa naman naitatayo.
Ang nasabing binayarang upa ay binubuo ng 12 buwang advance at anim na buwang security deposit na nagkakahalagang P13 milyon kada buwan.
Bukod dito, ipinagtataka rin ng COA kung bakit pumasok sa kasunduan ang PAGCOR sa VMC gayong hindi naman pala ito ang mismong may-ari ng pasilidad kundi isa lamang itong sub-lessee.
Nakasaad kasi sa Executive Order No. 201, maari lamang pumasok sa kasunduan ang anumang ahensya o korporasyon ng gobyerno sa mismong may-ari ng ari-arian na nais nitong upahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.