Mga teroristang nagpa-picture habang nagrerelax sa Marawi, posibleng napatay na sa operasyon ng militar
Maaaring kuha noong mga unang linggo ng bakbakan sa Marawi City ang mga larawan ng ilang terorista na lumabas nitong weekend.
Sa Mindanao Hour briefing, kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines o AFP Spokesman Brig. General Restituto Padilla na ang mga litrato ay mula sa cellphone na narekober ng mga sundalo sa isang bahay sa Marawi City.
Dagdag ni Padilla, bukod sa cellphones ay nakarekober din ang mga sundalo ng mga USB at electronic devices.
Medyo nakakangiti pa raw ang mga terorista sa mga lumabas na larawan, kaya maaaring nakunan ang mga iyon noong kauumpisa pa lamang ng giyera sa pagitan ng Maute terror group at tropa ng pamahalaan.
Pero ngayon, ani Padilla, ewan na lamang kung nakakangiti pa ang mga lalaking nasa litrato.
Nang matanong naman kung ang mga nasa larawan ay buhay pa, sinabi ni Padilla na maaaring kasama na ang mga ito sa mga napaslang sa kasagsagan ng bakbakan.
Batay sa huling datos, nasa 379 na terorista na ang namatay mula nang mag-umpisa ang Marawi crisis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.