AFP, naaalarma sa ulat na paggamit sa mga bata sa bakbakan sa Marawi
Labis na ikinaaalarma ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang ulat na pinupwersa raw ng Maute terror group ang mga bata at iba pang bihag para makipagbakbakan laban sa tropa ng gobyerno sa Marawi City.
Sa Mindanao Hour briefing sa Malakanyang, sinabi ni AFP Spokesperson Brig. General Restituto Padilla na batay sa impormasyon mula sa mga bakwit ay ini-employ o isinasabak na umano ang mga menor-de-edad sa giyera.
Pero pagtitiyak ni Padilla, ginagawa ng mga sundalo ang lahat ng kanilang makakaya upang mapigilan ang casualties sa hanay ng mga kabataan.
Gayunman, sakaling armado ang mga ito, susubukan silang disarmahan ngunit dedepensahan din ng mga sundalo ang kanilang sarili.
Sinigurado ring muli ni Padilla na tuluy-tuloy ang pagsusumikap ng tropa ng gobyero na sagipin ang mga sibilyang naiipit pa rin sa krisis sa Marawi City.
Mayroon pa rin aniyang mga residente ang nasa loob ng siyudad, gaya ng mga matatanda, na umaapela ng rescue.
Sa pinakahuling tala hinggil sa sitwasyon sa Marawi City, umabot na sa 379 na terorista mula sa grupong Maute na napapatay; habang 89 ang nalagas mula sa hanay ng pamahalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.