ARMM official pumalag sa paninisi sa kanila kaugnay sa gulo sa Marawi City
Hindi dapat isisi sa mga Maranao ang kaguluhan na nagaganap sa Marawi City sa pagitan ng Maute group at pwersa ng gobyerno.
Ipinahayag ito ni Autonomous Region in Muslim Mindanao Assemblyman Zia Alonto Adiong.
Giit ni Adiong, tagapagsalita ng Marawi Crisis Management Committee, ang mga Maranao ang nabibiktima at ang naghihirap dahil sa kaguluhan sa lungsod.
Inihalintulad niya sa pagkuha ng martilyo at pagpukpok nito sa kanilang mga ulo ang pagsasabing pinabayaan nila ang nangyari sa Marawi City.
Paliwanag ni Adiong, hindi naman kaya ng mga sibilyan na manghimasok sa planadong pag-atake ng teroristang grupo na sinusuportahan ng international terrorist.
Dagdag niya, naghahanda rin ang mga Maranao sa nalalapit na pag-aayuno sa banal na buwan ng Ramadan nang pumutok ang bakbakan noong Mayo.
Kinwestyon din ni Adiong ang mga paninisi sa mga Maranao, gayong noong Zamboanga siege at Ipil siege ay walang nanisi sa mga sibilyan kung bakit hindi nanlaban ang mga ito.
Matatandaan namang ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa Digos City ang kanyang galit sa aniya’y mga kapwa Maranao dahil sa pagpapabaya ng mga ito na makapasok sa Marawi City ang mga terorista.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.