Ilang miyembro ng Media kinuyog sa kilos-protesta ng INC sa EDSA
Kinuyog ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo ang ilang kagawad ng media na nagko-cover sa kanilang kilos-protesta sa EDSA Shrine kagabi, Agosto 28.
Habang kumukuha ng footage sa kanto ng EDSA at Ortigas Avenue, nilapitan, pinagbantaan, hinawakan sa leeg at sinuntok sa mukha ng hindi nakilalang mga INC members ang cameraman ng ABS-CBN na si Melchor Pinlac.
Tangkang aawat sa gulo ang radio reporter ng GMA-DZBB na si Roland Bola pero siya naman ang pinagbalingan ng ilang mga kalalakihan at pinagbantaan na huwag maki-alam kung ayaw niyang masaktan.
Dahil sa dami ng mga INC members na nakapaligid sa kanila, naki-usap na lang si Bola na huwag silang saktan dahil ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho na i-cover ang kilos-protesta ng INC sa nasabing lugar.
Kaagad ding naayos ang sitwasyon nang pumagitna ang ibang kasapi ng INC at hinayaan na lamang na umalis sa lugar ang naturang mga miyembro ng media samantalang nagpatuloy naman ang event ng mga kasapi ng Iglesia ni Cristo sa EDSA Shrine.
Bukod sa kanto ng EDSA at Ortigas Ave. ay sentro din ng kilos-protesta ang intersection ng EDSA at Shaw Boulevard makaraang mag-labas ang Mandaluyong City Hall ng permit to rally para sa naturang grupo ngayong umagang ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.