Bureau of Immigration pinagbawalang magbigay ng “VIP treatment” sa publiko
Bawal na sa mga kawani ng Bureau of Immigration na magbigay ng VIP treatment sa mga pasahero.
Ito ang iniutos ni Immigration Commissioner Jaime Morente kasabay ng paalala na mahigpit na ipinatutupad ng kawanihan ang “off-limits to unauthorized persons policy” o patakaran na nagbabawal sa mga hindi otorisadong indibidwal na magtungo sa mga immigration areas sa lahat ng mga international airports sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Morente na inatasan nya na si B.I Port Operations Division Chief Marc Red Marinas na ipakalat ang nasabing direktiba sa lahat ng mga kawani ng ahensiya sa mga paliparan at disiplinahin ang sinumang susuway.
Dapat na na raw kasing mahinto ang maling sistema ng mga empleyado ng BI sa pag-escort at pangangasiwa sa mga padating at paalis na pasahero personal man o sa pamamagitan ng text o telepono na ang pakay ay mapabilis ang pagproseso ng kanilang dokumento sa mga immigration counter.
Ayon pa kay Morente, ang mga kawani lamang ng Immigration na naka-duty at mayroong travel orders ang may pahintulot na pumasok sa mga international port.
Ang direktiba ay inilabas makaraan ang report na binigyan umano ng VIP treatment sina Atong Ang at Gretchen Baretto na dumating sa NAIA noong Lunes mula sa Bangkok, Thailand.
Sinasabi sa mga ulat na nakitang sinamahan ng isang retiradong pulis na may suot na pass mula sa NAIA pass Control Office patungo sa immigration counter sa NAIA terminal 1 at hindi sila dumaan sa karaniwang proseso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.