Gutom at pagod handang tiisin, mga miyembro ng INC wala pang plano na iwan ang EDSA Shrine
Kinuyog kaninang umaga ang sasakyan na may dalang almusal para sa mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) na nag-vigil sa EDSA Shrine bilang bahagi ng kanilang kilos-protesta laban kay Justice Sec. Leila De Lima.
Pagdating ng isang aluminum van na may dalang food packs ay kaagad na nag-unahan sa pagkuha ng kanilang pagkain ang mga taong magdamag na nagbantay ng mga pangyayari sa kanto ng EDSA at Ortigas Avenue.
Binili ang naturang mga pagkain sa isang fastfood chain samantalang ang ibang kasapi ng INC ay naghintay na lang sa pagbubukas ng ilang restaurant sa paligid ng EDSA Shrine.
Bukod sa mga miyembro ng INC, magdamag din na nagbantay ang mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa mga kaganapan sa EDSA para mabantayan ang kapaligiran sa lugar.
Kagabi ay sinabi ni Interior Sec. Mar Roxas na ipatutupad ang maximum tolerance para sa mga ralyista kasabay ang panawagan nah wag harangan ang mga daanan para sa mga motorist na ilang oras ding naipit sa napaka-bagal na daloy ng trapiko.
Ngayong umaga ay inaasahan ang pagdagsa ng iba pang miyembro ng INC na magmumula sa mga kalapit lalawigan base na rin sa naging pahayag ng pamunuan ng nasabing religious group kagabi.
Bukod sa mga pulis, magdaragdag din ng mga traffic enforcers sa lugar ang MMDA dahil sa inaasahan na muling pagbibigat sa daloy ng trapiko.
Ayon sa pamunuan ng INC, baka manatili sila sa EDSA Shrine nang hanggang sa September 4 depende sa kahihinatnan ng kanilang gina-gawang pagkilos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.