Pamunuan ng PNP, AFP pabor sa martial law extension sa Mindanao
Kung tatanungin ng pangulo, pabor ang pamunuan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na palawigin ang martial law sa Mindanao.
Sa isang panayam, sinabi ni PNP Chief Ronald Dela Rosa na mas gugustuhin niya ang extension ng martial law sa Mindanao upang tuluyang maipanumbalik ang katahimikan sa rehiyon.
Ito rin aniya ang kailangan upang maisulong ang rehabilitiasyon ng Marawi City na pinasok ng Maute terror group noong May 23.
Paliwanag ni Dela Rosa, kanyang nakapanayam si AFP Chief General Eduardo Año at maging ito ay pabor sa martial law extension kung hindi pa rin matatapos sa takdang araw ang gulo sa Marawi.
Kung sakali aniyang hingian sila ng opinyon ng pangulo, ay kanilang irerekomenda ang extension dito.
Mas mainam aniya ito upang ma-stabilize ang sitwasyon sa Marawi City na may ilang lugar pa rin na hawak ng Maute group.
Ang martial law declaration ni Pangulong Duterte sa Mindanao ay tatagal lamang ng 60-araw.
Sa kasalukuyan, nasa ika-43 araw na ang gulo sa Marawi City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.