Isnilon Hapilon at Abdullah Maute, nasa Marawi pa rin – DND, AFP
Ibinunyag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nagtatago sa isa sa mga mosque sa Marawi City ang umano’y emir ng ISIS sa Asya na si Isnilon Hapilon.
Sa Mindanao Hour sa Malakanyang, sinabi ni Lorenzana na ito ang kaniyang natanggap na impormasyon kahapon lamang ng umaga mula sa mga opisyal na nasa grounds.
Giit ni Lorenzana, patunay ito na hindi pa nakalalabas ng Marawi si Hapilon na isa sa mga pasimuno ng kaguuhan sa lungsod.
Gayunman, sinabi ng kalihim na kung sakaling nakalabas man ng Marawi si Hapilon, mayroon na aniyang nag-aabang sa kaniya sa Basilan.
Pinatutukan na aniya sa mga tropa ng militar sa Basilan si Hapilon at ang nakarating lamang ay ang tatlong kasamahan nito, kaya’t malakas ang paniniwala nila na hindi pa nakakaalis sa Marawi City ang ISIS leader.
Samantala, ayon naman kay Joint Task Force Marawi spokesperson Lt. Col. Jo-ar Herrera, maging ang isa pang lider ng Maute Group na si Abdullah Maute ay nananatili pa rin sa Marawi City.
Base aniya sa kanilang nakalap na impormasyon, nananatili pa rin sa main battle area ang isa sa magkapatid na Maute na namumuno sa teroristang grupo.
Sinabi naman ni Lorenzana na hindi galing sa militar ang kanilang mga hawak na impormasyon tungkol kay Hapilon, bagkus ay galing sa mga sibilyan dahil na rin sa patong sa ulo ng nasabing terorista.
Naengganyo aniya ang mga ito na magbigay ng intelligence information sa kanila dahil sa pabuya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.