Pari na bihag ng Maute, ginawang ‘cook’ ng mga terorista-AFP
Kinumpirma ng militar na nananatiling buhay ang pari na bihag ng Maute Group na si Fr. Teresito “Chito” Suganob.
Ayon kay Task Force Marawi spokesperson Lt. Col. Jo-ar Herrera, base sa huling impormasyon na nakuha nila mula sa mga nakatakas na bihag tatlong araw na ang nakalilipas, buhay pa si Suganob.
Aniya pa, ginawang tagapagluto si Suganob para sa mga terorista at mga bihag nila at huli itong nakita tatlong araw na ang nakakaraan.
Ibinahagi naman ni Herrera na na-clear na nila ang 40 gusaling ginawang kuta ng mga terorista.
Narekober nila dito ang mga kagamitan at armas na naiwan ng mga kalaban.
Bagaman isa aniya itong pahiwatig na napapaliit na nila ang mundo ng kanilang mga kalaban, patuloy pa rin ang pagsasagawa nila ng mga clearing combat operations.
Paaabutin aniya nila ito sa punto na hindi na nila kailangang gumamit ng airstrikes dahil magiging mas malapitan na ang bakbakan.
Paliwanag niya, kaya lang naman sila gumagamit ng airstrikes ay para mapahina ang malalakas na defensive position ng mga kalaban,
Samantala, isang sibilyan na na-rescue naman ang nagsabi sa kanila na napatay sa bakbakan ang isa sa mga lider ng grupo na si Omar Maute.
Ani Herrera, isa lang itong kumpirmasyon ng nauna nilang nakalap na ulat pero kailangan pa rin nilang tingnan ang bangkay upang mas makasiguro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.