Electronic appliances at iba pang produkto, mahigpit na binabantayan ng DTI
Nagsagawa ng inspeksyon ang Department of Trade and Industry (DTI) sa ilang general merchandise stores sa pagpapatupad ng safety standards ng construction at electronic materials.
Ayon sa DTI, para malaman kung pasado sa safety standards ang produkto, kailangang may Import Commodity Clearance o ICC sticker ang mga produktong mula sa ibang bansa, habang Philippine Standard o PS sticker mark naman ang sa mga lokal na produkto.
Panawagan ng DTI, sa halip na mauwi sa mahabang paliwanagan, dapat ay siguruhin na ng mga store owners na pumasa sa safety standards ang kanilang produkto.
Sa isang general merchandise store sa Muñoz, nakumpiska ang mahigit isang daan appliance dahil sa kawalan ng ICC sticker.
Aminado naman ang store manager na lingid sa kanyang kaalaman ito dahil sila ang nakatalaga sa pagbebenta ng produkto.
Kwento ni Espinosa, kapag nai-deliver na sa store ang mga kagamitan ay ibig sabihin, aprubado na ito ng may-ari alinsunod sa kanilang proseso.
Aniya, responsibilidad ng kanilang supplier na lagyan ng ICC stickers ang kanilang produkto.
Liban lamang sa mga ito, tiniyak naman ng store manager na may ICC o PS mark stickers ang lahat ng kanilang produkto.
Nagpaalala naman ang DTI na dapat ay kumpleto ang label sa produkto, lalo na ang pangalan at address ng manufacturer para kung sakaling may mga kasong gaya nito ay mapapanagot ang mga supplier.
Hinimok naman ng kagawaran ang mga nagbebenta ng electronic materials na obserbahan ang good business practice, para na rin sa kaligtasan ng consumers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.