Nationwide earthquake drill muling isinagawa ngayong araw
Naging matagumpay ang isinagawang nationwide earthquake drill ngayong araw na pinangunahan ng National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sinabi ni NDRRMC Mina Marasigan na maraming mga paaralan, kumpanya at mga tanggapan ng pamahalaan ang nakiisa sa nasabing drill bilang paghahanda sa tinaguriang “The Big One”.
Iba’t ibang mga senaryo ang ipinakita sa nasabing drill bilang paghahanda sa lindol ayon pa sa nasabing opisyal.
Samantala, nakiisa ang mga pulis sa Camp Crame sa ikinasang nationwide earthquake drill.
Alas-dos ng hapon nang tumunog ang sirena hudyat na kunwari ay may nagaganap na lindol.
Agad na naglabasan ang mga pulis sa kani-kanilang mga tanggapan habang nakatakip sa kanilang ulo ang kamay at mga bag.
Nagtakbuhan sa Camp Crame Grandstand ang mga pulis na nagsilbing evacuation center.
Mabilis na rumesponde ang mga bumbero matapos kunwaring magkasunog sa tanggapan ng Directorate for Police Community Relations.
Rumesponde rin ang ambulansya para kunwari ay dalhin ang mga sugatang pulis sa ospital.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.