BUWIS NG MAHIHIRAP, PAPASANIN NG MAYAYAMAN sa “WAG KANG PIKON” ni Jake Maderazo

June 25, 2017 - 12:40 PM

Ngayon pa lang umiinit na ang mga debate sa Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) ng Duterte administration.

Nandyan ang dagdag na “excise tax” sa diesel at gas, 3 piso sa 1st year, dalawang piso sa 2nd year at piso sa 3rd year. Ibig sabihin ang diesel ngayon na P32/L ay magiging P38/L sa 2019. Ang gasoline naman na P46/L ngayon ay P53/L next year at P56/L sa 2019. Kikita ang gobyerno ng P204.8B at tatamaan ang private vehicle owners at mga sasakyang gumagamit ng diesel tulad ng bus at dyip. May impact ito na 4.8 hanggang 5.7 % impact sa “inflation” o presyo ng mga bilihin. Dahil dito, mag-iisyu ang gobyerno ng mga “social benefit card” na aabot sa P80-B para sa mga namamasahe at middle income. Naalala ko noong martial law, nang ipatupad ang excise tax sa diesel, merong pinamigay na fuel card ang character na si Aksyong Aksaya ng gobyerno. Masakit talaga ito, pero kung naniniwala tayong “bitter pill” ito para lalong sumulong ang ekonomya, wala nang usapan.

Itataas din ang value added taxes (VAT) mula 12 percent ngayon sa 14 percent na kokolekta ng P90B. May debate rin sa VAT sa mga rentals o paupahang bahay kung exempted ang mababa sa P12,000 o kaya’y hanggang P25,000. Exempted na rin sa VAT ang mga senior citizens at “disabled persons” maging sa medisina at pangunahing bilihin.

Sa “personal income tax” naman, kapag ikaw ay sumusweldo ng P20,000 bawat buwan o P250,000 bawat taon, wala nang babayarang buwis. Nakatipid ka ng P80,000 per year o P6,666 bawat buwan. Kung lampas P250,000 hanggang P400,000 ang sweldo mo, 20% ng “excess” ang babayaran mo. Halimbawa, P150,000 ang sobra kung P400,000 ang sweldo mo, ang babayaran ay 20% nito o P30,000 pesos lang. Di tulad dati na P128,000 kaya’t nakatipid ka ng P98,000 o P8,166. Ang mga boss naman ay papatawan ng 30 hanggang 35% na buwis sa bagong panukala.

Sa kabuuan, libre sa buwis ang 83% ng mga taxpayers na ang sweldo ay mas mababa sa P250,000 bawat taon. Ganoon din ang 8% ng taxpayers na mas mababa sa P400,000 ang sweldo bawat taon. O kabuuang 91% ng lahat ng mga nagbabayad ng buwis. Ngayon saan kukunin ng gobyerno ang pang-tapat sa mga libreng buwis ng mahihirap na taxpayers? Siyempre doon sa natitirang 9% o mayayamang taxpayers na bukod sa may pambayad ng buwis ay malakas pang bumili sa mga mall at kotse, lupain at iba pang mga ari-arian. Sa totoo lang matagal na dapat tinaasan itong kung susuriin, “consumption tax” sa mga mayayaman. Noong araw kasi, mahirap o middle class man ay pareho tayo ng binabayaran ng mayayaman. Kahit na 74% ng kinikitang salapi sa buong bansa ay napupunta sa 10 richest families sa atin. Samantalang nagpapatayan tayong 90% na mahihirap sa natitirang 28% na salapi. Ngayon lang kung saka-sakali magkakatotoo na ang mga “ubod ng yaman” ang siyang maglilibre o magpapasan sa mahihirap na mamamayan at ito ang konsepto ng naturang tax reform.

Kaya nga, huwag nang magtaka kung marami sa mga mayayaman ang ayaw dito, at siyempre kasama nilang aayaw ang mga tuta nilang pulitiko at media.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.