WATCH: Libu-libong Muslim, dumagsa sa Quirino Grandstand para sa Eid’l Fitr
Dumagsa sa Quirino Grandstand ang libu-libong Muslim para sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr o ang pagtatapos ang buwan ng Ramadan.
Unang inasahan na bukas, June 26, papatak ang Eid’l Fitr, pero ngayong araw na ito isinagawa makaraang makita ang buwan kagabi na hudyat ng pagtatapos ng Ramadan.
Ang araw na ito ay espesyal sa mga Muslim dahil ito ang pagtatapos ng 30 araw na pag-aayuno o fasting, kasabay ng panalangin.
Karamihan sa mga Muslim na dumagsa sa Quirino Grandstand ay mula pa sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, habang ang ilan ay galing naman sa mga kalapit na lalawigan.
Kasama sa mga ipinanalangin ng mga Muslim ang malusog na pangangatawan, mas masaganang buhay, at kapayapaan sa Marawi City.
Hanggang sa mga oras na ito ay nagpapatuloy ang pagdagsa ng mga Muslim sa Quirino Grandstand para mag-alay ng panalangin kay Allah, habang ang ilan naman ay sa Golden Mosque sa Quiapo, Maynila nagtungo para magdasal.
Pinaigting rin ng National Capital Region Police Office ang police visibility sa paligid ng Quirino Grandstand at Golden Mosque upang matiyak ang seguridad ng mga kapatid nating Muslim.
LOOK: Libu-libong Muslim, dumagsa sa Quirino Grandstand para sa Eid'l Fitr | @_haniabbas pic.twitter.com/I5wm48Ok3B
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) June 25, 2017
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.