8 patay, 5 nawawala sa pagsabog ng coal mine sa Colombia
Hindi bababa sa walo katao ang nasawi sa pagsabog ng isang iligal na coal mine sa central Colombia.
Nabatid na naganap ang pagsabog sa isang minahan sa bayan ng Cucunuba, sa Cundinamarca state, na may layong 90 kilometers o 55 miles hilaga ng Bogota.
Bukod sa mga nasawi, aabot naman sa lima katao ang nawawala dahil sa insidente.
Ayon sa national mining agency ng Colombia, sa ngayon ay wala pa silang detalye ukol sa eksaktong dahilan ng pagsabog.
Nagtutulungan na ang tatlumpu’t limang rescue workers at pitong engineers sa paghahanap sa mga nawawalang biktima, ayon sa National Disaster Risk Management Unit (UNGRD) government agency.
Samantala, sa pamamagitan ng Twitter post, ipinaabot ni President Juan Manuel Santos ang kanyang pakikisimpatiya sa mga biktima.
Nasa France ngayon si Santos para sa isang official visit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.