WATCH: Barangay Chairman, sugatan matapos pagbabarilin sa Malate, Maynila
Sugatan ang isang barangay chairman matapos tambangan habang nagmamaneho sa kanto ng Quirino Ave., Malate, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Chairman Kristo Hispano ng Brgy. 649, Zone 68, Port Area, Maynila.
Nagawa pa ni Hispano na magkapagmaneho ng halos isang kilometro sa kanyang Toyota Fortuner na may plakang ZPR 158 hanggang sa makahingi ng tulong sa pinakamalapit na istasyon ng pulis.
Ayon sa mga pulis ng Pasay PCP 1, nagulat na lamang sila nang may dumating sa kanilang istasyon na isang duguang lalaki na nagpapasaklolo na magpadala sa ospital.
Agad nilang dinala sa San Juan de Dios Hospital si Hispano na nagtamo ng tama ng bala sa balikat at tagiliran.
Ayon naman kay Brgy. Tanod Gilbert Dela Cruz, kasama pa niya si Chairman bago mangyari ang insidente dahil dumalo sila sa awarding ng Top 10 Outstanding Barangay Chairman sa Manila Hotel.
Ayon pa kay Dela Cruz, kahapon lang ay napatay rin matapos tambangan ang nakalaban sa pagka-Barangay Chairman ni Hispano na si Jojie Omandac.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Manila Police District upang malaman ang motibo at mahuli ang mga nasa likod ng pamamaril.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.