Lagman: Maute group nilusob kaya gumanti lang sa militar
Sinimulan na ng Korte Suprema ang oral arguments sa deklarasyon ng martial law sa Mindanao.
Sa ngayon, nakapagbigay na ng kanilang argumento ang petitioners sa pangunguna ni Congressman Edcel Lagman.
Iginiit ni Lagman na hindi totoong may rebelyon sa Mindanao.
Paliwanag ng mambabatas, ang paglusob ng Maute terror group sa Marawi City ay resulta ng paglaban nito sa operasyon ng puwersa ng gobyerno kontra sa Maute brothers na lider ng grupo at sa umano’y lider ng ISIS sa Pilipinas na si Isnilon Hapilon.
Dagdag ni Lagman, hindi lahat ng akto ng terorismo ay nangangahulagang rebelyon.
Paglilinaw naman ng mga petitioners, hindi nila minamaliit ang kaguluhan sa Marawi City ngunit ayon kay Atty. Marlon Manuel, naniniwala silang hindi kinakailangan ng martial law para igiit ang puwersa ng militar.
Hiniling ng petitioners sa Korte Suprema na talakayin kung may sapat na factual basis ng deklarasyon ng martial law sa Mindanao batay sa Saligang Batas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.