Personal na sinaksihan ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II ang pagsailalim Farhana Tamano Maute sa inquest proceedings sa Cagayan de Oro City.
Si Farhana ang ina ng magkapatid na sina Abdullah at Omar na pawang mga lider ng teroristang Maute Group na kasagupaan ng mga pwersa ng gobyerno sa Marawi City.
Noong Biyernes naaresto si Farhana sa Masiu, Lanao del Sur, ilang araw matapos maaresto naman ang ama ng pamilya na si Cayamora Maute sa Davao City.
Isang reklamo rin ang isinampa sa Department of Justice (DOJ) laban naman kay dating Marawi City Mayor Fahad Salic dahil sa umano’y kaugnayan nito sa Maute Group.
Bukod sa dalawa, siyam na iba pang miyembro at taga-suporta ng Maute Group ang sumailalim sa inquest proceedings.
Ayon kay Aguirre, pagkatapos ng inquest ay dadalhin na sa Maynila ang mga ito upang dito ikulong.
Iaapela rin ni Aguirre sa Korte Suprema na muling ikonsidera ang desisyon nito na sa Cagayan de Oro litisin ang Maute Group.
Giit ng kalihim, isang special court ang dapat buuin sa Metro Manila dahil sa kakulangan ng sapat na detention facilities sa Mindanao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.