Ilang website ng gobyerno, na-hack sa gitna ng Independence Day celebration
Sa gitna ng selebrasyon ng 119th Independence Day, ilang government at private corporation websites ang nabiktima ng panghahack ngayong araw.
Apat na government websites ang na-hack habang hindi batid kung ilan ang sa private corporation.
Batay sa ulat, kabilang sa websites na biktima ng hacking ngayong Araw ng Kalayaan ay sa Laguna Lake Development Authority (LLDA), at isa sa mga local government ng Sta. Cruz sa Davao del Sur.
Biktima din ng panghahack ang website ng Davao Region Medical Center at ang Ayala Property Management Corporation.
Nagpapakilala ang mga hacker bilang “AnonGhost.ph” at nag-iwan ng mensahe sa mga website na “Operation Independence Day”.
Kapag binisita at pinindot ang naturang mga website, makikita ang opening message na “Stop the martial law now!”.
Matatandaang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Martial Law sa buong Mindanao matapos sumiklab ang kaguluhan sa Marawi City, na pinangunahan ng Maute terror group.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.