Pagkansela ni Pangulong Duterte sa tradisyunal na Vin d’Honneur, idinepensa ng Palasyo
Ipinaliwanag ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano ang rason sa pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanselahin ang tradisyunal na Vin d’Honneur.
Ayon kay Cayetano, ayaw ni Duterte ang selebrasyon sa pamamagitan ng pakikipag-toast sa mga miyembro ng diplomatic corps at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Ito ay dahil mabigat sa loob ni Duterte na magsaya habang nagpapatuloy ang krisis sa Marawi City na kinubkob ng teroristang Maute group, at marami sa mga sundalo ang nagbubuwis ng buhay.
Dagdag ni Cayetano, mas gustong tutukan ng pangulo ang military operations sa Marawi City na target ngayon ng militar na tuluyang mapalaya mula sa paghahasik ng Maute group.
Bagama’t naitaas na ang bandila ng Pilipinas sa lungsod ng Marawi ngayong Araw ng Kalayaan, mayroon pa ring natitirang lugar na hawak ng grupong Maute.
Maliban sa pagkansela sa Vin d’Honneur, hindi nakasama si Duterte sa pagdiriwang ng 119th Independence Day sa Luneta Park, dahil siya’y pagod, puyat at hindi maganda ang pakiramdam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.